Lunes, Agosto 15, 2011

“Maliit kong Silid, Tanawin mo!!” “Ang Silid ng Aking mga Pangarap”


Mula pagkabata dito sa munting tahanan na ito ako nakatira,kasama ang aking mga magulang at mga kapatid. Isang tahanan na puno ng pagmamahalan at pag aaruga. Simpleng tahanan na may dalawang silid,isang tanggapan ng mga panauhin,kainan, kusina at palikuran.Samahan mo ako at ipapasilip ko sa’yo ang tinagurian kong “Silid ng Aking mga Pangarap”
                               
Pagpasok mo pa lang sa aming munting tahanan, ang aming munting tanggapan ang bubungad sa iyo at sa dako pa roon ay nandoon ang aming kainan, kusina at palikuran.Isang hakbang sa aming pasilyo madadaanan mo ang silid ng aking mga magulang kasunod na ang silid namin ng aking mga kapatid.Pagbukas ng pinto maaring mapatigagal ka sa iyong makikita. Dalawang kama, isa sa kanan para sa dalawa kong kapatid at isa sa kaliwa malapit sa bintana na aking pag-aari. Isang orocan na durabox lang ang naghahati sa dalawang kama.Ang aking kama na pinakaborito kong bahagi ng aming silid. Kaya naman para sa akin  masasabi kong maganda ang aming tahanan lalo na ang aming silid.

Pero ang talagang nagpaganda sa aking pahingahan o kama ay ang, mga stuff toys na katabi ko pag tulog, ang bukas na bintana kung saan lagi akong inaabot ng magdamag habang pinagmamasdan ang buwan at kalangitan.Lumilipad ang aking isipan habang nakatingin ako sa buwan, malalim ang iniisip at nangangarap,nagtatanong at minsan pa ay umiiyak at napapangiti. Habang bukas ang ilaw,  para akong nalulunod sa kasiyahan,kalungkutan at sa  iba pang mga dahilan.Kapag pinatay na ang ilaw, bigla naman akong mapapatigagal sa bintana habang tinatanaw ang buwan at ang kalangitan.At ang unang pumapasok sa aking isipan ay ang mga bagay na gusto kong gawin sa hinaharap.
 
Sinasalamin ng aking pahingahan ang buhay ko. Habang bukas ang ilaw, habang gising, makulay ang buhay; maraming maaring pagtawanan at pagkasiyahan. bagamat ang mga bagay na ito ay labas sa akin, para na rin itong kaparte at kabahagi ko. Ang bukas na bintana, ang buwan, bituin at ang kalangitan kapag patay na ang ilaw ay nagsisilbing repleksiyon ng kung sino ako: taong misteryoso , taong  mahilig sarilinin ang problema, mahilig makisali sa mga isyung hindi naman kasali,magalingan kung minsan, mabait sa taong mabait,mahilig magsulat ng mga tula at kung anu-ano pa. Nagsisilbi rin itong talaan ng aking mga pangarap na imposible at posibleng matupad tulad ng pagiging guro, pagiging isang mahusay na kusinero at syempre makapaglibot sa buong mundo at mabigyan ng magandang buhay ang pamilya.

             At kapag unti-unting pumipikit ang aking mga mata, mistulang naglalaho na ang lahat ng mga makamundo at pansariling mga kahilingan at pagnanasa, dumidilim ang paligid at sa kadulo-duluhan isa lang ang natitira; ang pagnanais na maging malaya, ang isang araw maging kaulayaw ang mga buwan at bituin, ang maglakbay ang diwa sa layo at lalim ng kalawakan.

            Sa ngayon, di ko na halos mapansin ang mga  buwan at bituin sa tambak ng mga papel sa silid ko. at ang mga litrato, natakpan na ng mga libro ngunit alam kong hindi maiipit sa gitna ng mga pahina ng mga naglalakihang libro ang malayang diwa. isang araw, pag ako ay umalis, muli akong babalik  sa lugar na ito, ang silid ng aking mga pangarap at babaguhin ang lahat at ilalagay sa matiwasay.

1 komento:

  1. wow! Sarili niyo po ba itong gawa? sobrang ganda po. dama ko ang bawat salita

    TumugonBurahin